Hindi Malamang Maabot ng Pilipinas ang 2025 GDP Target, ayon sa DEPDev

Hindi Malamang Maabot ng Pilipinas ang 2025 GDP Target, ayon sa DEPDev

Inamin ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na posibleng hindi maabot ng bansa ang itinakdang economic growth para sa 2025 na nasa pagitan ng 5.5 hanggang 6.5 porsiyento.

Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, ang average GDP growth ng Pilipinas mula unang quarter hanggang ikatlong quarter ay nasa 5 porsiyento lamang—mas mababa sa target ng pamahalaan. Dahil dito, sinabi niyang mahihirap nang maabot ang mababang dulo ng itinakdang range.

Sinabi ni Balisacan: “Honestly, that’s very unlikely now [to hit target]. We need to draw roughly 7 percent in the fourth quarter to achieve a 5.5 percent growth for the year.”

Mga Sakuna at Pagbagal ng Gastusin, Malaking Salik

Ipinaliwanag ng kalihim na nakaranas ng ilang malalakas na bagyo at lindol ang bansa nitong huling bahagi ng taon. Nagdulot ito ng mga suspensyon sa trabaho at klase, at nakaapekto sa takbo ng ekonomiya.

Dagdag pa niya, mas mababa rin ang government spending ngayong taon dahil sa election-related restrictions, pati na rin dahil sa isyu ng korapsyon sa flood control projects.

Ayon pa kay Balisacan: “Nag slow down talaga substantially spending, particularly sa construction by agencies, particularly DPWH.”

Binanggit din niya ang hindi inaasahang pagbagal ng household consumption:
“The slowdown of consumption to 4.1 percent. Nobody expected that. I didn’t expect that because your home consumption expenditure is your biggest source contributor to GDP.”

Ekonomiya, Matatag Pa Rin sa Kabila ng Pagbagal

Gayunpaman, sinabi ni Balisacan na nananatiling matibay ang pundasyon ng ekonomiya. Bagama’t mas mababa ang takbo kaysa sa inaasahan, growth pa rin ang 5 porsiyentong GDP. Bumubuti rin ang inflation, at patuloy na matatag ang banking sector.

Dagdag niya:
“Still one of the best performing economies in the region. Don’t be misled by just looking at one quarter because economies go through cycles.”

Mga Reporma at Proyektong Infrastruktura

Ipinunto rin ng kalihim na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng reporma ng pamahalaan para makahikayat ng mas maraming investors. Sa ngayon, may 209 infrastructure flagship projects na nagkakahalaga ng P10.52 trilyon, at ilan dito ay natapos na.

Umaasa rin siyang maaayos ang isyu ng korapsyon sa flood control upang mapataas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa Pilipinas.

Inihayag din niya na magpupulong ang Development Budget Coordination Committee sa susunod na linggo para pag-usapan kung kailangan bang baguhin ang GDP targets para sa 2026 hanggang 2028.

CATEGORIES