
Posibleng Umakyat ng Hanggang ₱1.30 Kada Litro ang Presyo ng Langis sa Susunod na Linggo
Tinatayang muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, na maaaring umabot hanggang ₱1.30 kada litro batay sa galaw ng merkado.
Ayon kay Leo Bellas, pangulo ng Jetti Petroleum, ang presyong ₱1.10–₱1.30 kada litro ang posibleng dagdag sa gasolina, habang ₱0.10–₱0.30 kada litro naman ang maaaring dagdag sa diesel.
Paliwanag ni Bellas, patuloy na nakakaapekto ang tensyong geopolitical sa pagtaas ng premium at freight costs, kaya nananatiling mataas ang presyo ng diesel kahit bumaba ang lingguhang average ng Mean of Platts Singapore (MOPS).
Dagdag pa niya, bahagyang lumuwag ang merkado ng middle distillates dahil sa posibilidad ng pag-usad ng negosasyon sa Russia-Ukraine at sa inaasahang pagtaas ng export mula China, na parehong nakakatulong sa supply.
Samantala, nananatiling mataas ang presyo ng gasolina sa Asia dahil sa masikip na supply at matatag na demand. Mababa umano ang volume ng gasoline exports mula sa mga refinery sa China at South Korea, dahilan upang manatiling limitado ang supply sa rehiyon.
Ngayong linggo, nagpatupad ng ₱0.20 kada litro na increase ang mga kumpanya sa gasolina, habang ₱2.90 kada litro naman ang ibinawas sa presyo ng diesel.
